Sa patuloy na paghanap ng kalutasan sa problema ni Eliza Damgasin, kinapanayam kaninang umaga ni Orly Mercado si Dr. Rustico Jimenez, isang neurologist at presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. Maaalalang mayrong sakit na aneurysm si Eliza. Ayon kay Dr. Jimenez, ang mga taong may normal na daluyan ng dugo ay magkahiwalay ang mga veins at arteries. Bagama't hindi pa niya mismong natitignan si Eliza, sinabi niyang tantya niya ay inborn ang ang kaniyang aneurysm o pinanganak na siyang may ganito. Ang ibig sabihin ay may parte sa utak ni Eliza kung saan naghahalo ang kaniyang veins at arteries. Ito ay delikado sapagkat ito ay nagkakahulugan din na naghahalo ang oxygenated at non-oxygenated blood. Kapag hindi naagapan ang kundisyong ito ay patuloy lamang lolobo ang ugat hanggang sa pumutok ito. Dagdag pa ni Dr. Jimenez, kapag nangyari ito ay maaaring maapektuhan ang pananalita, memorya, paningin at pagkilos ng pasyente - depende kung saang parte ng utak nangyari ang problema. Ang aneurysm ay maaari ring ikamatay sanhi ng magdurugo mula sa pagputok ng ugat. Ipinaliwanang din ni Dr. Jimenez kung bakit palagiang humihingi ng CT Scan ang mga doktor sa tuwing nagpapalit o natatagalan ng pagpapatingin si Eliza. Ayon sa kanya, hindi maaaring basehan ang lumang CT Scan sapagkat patuloy ang paglaki ng bukol sa mga may aneurysm. Hindi nadadala sa gamutan ang ganitong kalagayan. Kakailanganin ng operasyon upang maisaayos ang bukol at hayaang gumawa ng bagong daluyan ang dugo sa utak ni Eliza. Ang ganitong operasyon ay aabot ng humigit kumulang sa dalawang milyon (PhP 2,000,000.00)., isang halagang hindi makakayanan ni Eliza. Bago magtapos ang usapan ni Orly Mercado at Dr. Jimenez, sinabi ng doktor na papuntahin sa kaniya si Eliza Damgasin upang siya na ang tumingin dito.
© All Rights reserved No part of any of the materials may be reproduced without proper permission from Kapwa Ko Mahal Ko Foundation However, sharing with the intent to assist the foundation is permissible.
0 Comments
Leave a Reply. |
Orly MercadoSi Orly Mercado ay ang Presidente at Host ng Kapwa Ko Mahal Ko. ArchivesCategories
All
|